Kinumpirma ng Southern Police District (SPD) ang unang pahayag ng Taguig City Police na walang nakitang foul play sa pagkasawi ng dalawang babaeng estudyante ng Signal Village National High School makaraan ang isinagawang otopsiya sa mga ito.

Ang magkaibigang sina Irish, 13 taong gulang, at Mary, 15 taong gulang ay natagpuan ng mga guwardiya ng eskwelahan na nakabigti bandang alas onse ng gabi noong Nobyembre 10 sa opisina ng Girl Scouts of the Philippines na nasa ikatlong palapag ng Magsaysay Building ng paaralan na nasa Barangay Central Signal, Taguig City.

News Image #1


Sa ulat ng Taguig Police, isang estudyante na nangngangalang Danielle, 16 na taong gulang, ang huling nakakitang buhay sa dalawa bandang alas 7:45 ng gabi noong Nobyembre 10. Sinabi pa aniya sa kanya ng dalawa na uuwi na sila.

Napag-alamang may Boy Scouts camping sa eskwelahan ng panahong iyon kaya mayroon pang estudyante sa loob ng eskwelahan noong gabing iyon.

Gayunman, nakita ni Danielle sa kanilang messenger group na hindi umuwi ng bahay ang dalawa, kaya't hinanap niya ang mga ito.

Nakita ni Danielle na ang dalawang biktima ay may tali sa kanilang leeg at nakasabit sa bakal na grill ng Girl Scouts office at wala nang buhay. Tinawag ni Danielle ang mga security guards ng eskwelahan na dagliang pumutol sa tali at tumawag sa Taguig police, ayon sa salaysay ng saksi.

News Image #2


Ipinalabas ng SPD ang pahayag na wala silang nakitang foul play sa pangyayari.

"The Southern Police District extends its deepest sympathy to the bereaved families of the two high school students of Signal Village National High School. Our investigator's findings supported by post-mortem exam by SPD forensic team found no foul play in the incident as of this time."

News Image #3


Kumalat din sa social media ang palitan ng mensahe ng mga nasawi bago naganap ang trahedya.

Nakiusap ang SPD na huwag nang ibahagi ang mga larawan at mensahe ng dalawang biktima upang maiwasang masaktan pa lalo ang mga naiwang pamilya ng mga bata.

"We urge the public to allow the families the space to grieve for their two young members. Speculations can only aggravate the sorrow for the bereaved families, we request everyone to refrain from engaging in discussions that may cause them additional distress."

(Photos from contributors and SPD)