Lima hanggang pitong kalalakihan na sinasabing residente ng Block 1, Sitio Pusawan at tatlong guwardiyang nagbabantay para sa isang kumpanya ang nasugatan sa isang tensyon sa naturang sitio sa Barangay Ususan, Taguig City kahapon ng 1:49, Hunyo 23, 2026.
Sa panayam ng Taguig.com, sinabi ng Public Information Officer ng Taguig City Police na si Capt. Melvin Garcia na nagsimula ang tensyon nang tangkain ng ilang mga kalalakihan na magdala ng materyales at magtayo umano ng bahay sa pinagtatalunang lupa sa Sitio Pusawan.
"Sinita sila ng mga guwardiyang nagro-roving at pinagsabihang hindi sila puwedeng magtayo ng bahay doon. Nagkaroon ng sagutan na sinundan ng sakitan," ayon kay Garcia na isa sa nagsagawa ng imbestigasyon.
Ayon kay Garcia, at batay sa opisyal na report ng Taguig City Police, tinangka umanong agawin ng isang residenteng lalaki ang shotgun ng isang guwardiya na naging dahilan ng kaguluhan.
Sinabi naman ng isang residente sa Taguig.com na ito ay dahil sa may narinig silang nagkasa ng baril.
Dahil dito, dalawa naman sa mga guwardiya ang nagpaputok ng umano ay warning shots.
"However, pellets from the shotgun reportedly ricocheted and struck the above-mentioned individuals, causing injuries," ayon sa report ng Taguig City Police Substation 4 na nagresponde sa insidente.
Dinala sa Taguig Pateros District Hospital ang 8 nasugatan samantalang ang 2 pang residenteng may tama ng shrapnels ay ginamot sa mismong lugar at hindi na nagpa-ospital, ayon sa nagrespondeng rescue na nakapanayam din ng Taguig.com.
Makalipas na magamot ang mga dinala sa Taguig Pateros District Hospital, sa presinto dumiretso ang 3 guwardiya ng Theos Helios Security Agency at limang kalalakihang taga-Sitio Pusawan, ayon kay Garcia.
Ang mga ito ay kakasuhan ng physical injuries, attempted homicide at attempted robbery.
Kinumpiska rin pansamantala ang 11 shotguns, 1 revolver at 1 pistol ng mga guwardiya habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Sinabi ni Garcia na ang lugar sa Sitio Pusawan ay matagal nang pinagtatalunan ng Waterlily Neighborhood Association, Inc. at DMCI Corporation.
Aniya, may status quo order sa lugar na ipinalabas ng Sangguniang Barangay ng Ususan upang maiwasan ang mas malalang hindi pagkakaunawaan sa magkabilang partido.
Dahil dito, wala munang pinapayagang magtayo ng anumang istraktura sa magkabilang panig sa naturang lugar.
(Mga larawang ibinahagi sa Taguig.com)
Tensyon sa Pinag-aagawang Lupa sa Sitio Pusawan, Nauwi sa Sakitan | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito:
